Friday, September 23, 2011
Isang Huwebes Umulan (back to back with Red Agreda)
Isang Huwebes Umulan (by Red Agreda)
Sa pabagu-bagong ihip ng hangin
Mananatili akong matatag para sa iyo
Nakakalito mang tingnan ang mga patak ng ulan
Asahan mong tutugunan ko ng sagot ang bawat katanungan
Hayaan mong pawiin ko ang iyong takot sa kulog at kidlat
Sana'y makatutulong ang aking boses at yakap
Pangakong ako'y nasa iyong tabi
Sabay tayong iinom ng mainit na kapeng
unti-unti nating hihigupin
Hindi ako uuwi
Tatapusin natin ang ulan--magdamagan man.
The Reply (by Karla Singson)
Naubos ko na ang kape.
Ubos na rin ang mga luha ng langit.
Ni isa, wala akong hiningi sa'yo.
Binaha mo ako ng pangako,
Ng bandeha-bandehadong yakap,
Mga bundok ng dalamhati...
At ang unti-unting ihip
Ng mainit mong pagmamahal.
Hindi naman ako nilamig.
Hindi naman kita tinawag.
Ni isa, wala akong hiningi sa'yo.
Inimibita ko ang kulog at kidlat;
Hindi mo sila kailangang patahimikin.
Kinatha ko ang mga tanong;
Hindi mo sila kailangang burahin.
Umuwi ka na.
Humarap ka sa salamin
Yugyugin mo ang iyong mga balikat
At
kumbinsihin mo
Ang sarili mong
hindi mo ako mahal.
Ni isa, wala akong hiningi sa'yo.
---
Written: Sometime in 2008
Red Agreda is a part-time corporate frog and a full time artist. He takes very beautiful pictures; sometimes they're better than words.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment